Breaking News

Share this information:

PINANGUNAHAN ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. ang tinatawag na Communal Penitential Service of Priests para sa Archdiocese day of praying and fasting ngayong umaga.

Ang Communal Penitential Service of Priests ay ang pagdarasal ng mga pari at pangungumpisal o paghingi ng kapatawaran sa kapwa nila pari. 

Pagkatapos ng Communial Penitential Service of Priests ay naglakad naman ang mga pari mula Quiapo Church hanggang Sta. Cruz Parish sa Maynila para naman sa isang eucharistic celebration.

Pinangunahan naman ito ni  Bishop Broderick Pabillo, ang Apostolic Administrator ng Archdiocese of Manila.

Layon ng Pentiential Walk ng Archdiocese of Manila na ipagdasal ang bansa at ipanalangin na matapos na ang nararanasang pandemya dulot ng COVID-19.

Sa labas ng simbahan ng Quiapo, nakahilera naman ang mga hijos upang masiguro na magiging maayos ang aktibidad na tanging mga pari lamang ang lumahok.

Upang maiwasan naman ang pagdagsa ng mga deboto o publiko ay isinara naman ang Plaza Miranda.

Gayunman, gaya ng unang paalala at payo ng Archdiocese of Manila, maaari namang makilahok ang publiko sa pamanagitan ng panonood  via Facebook live ng Minor Basilica of the Black Nazarene.

Samantala, binigyang-diin naman ni Fr. Douglas Badong, Parochial Vicar ng Quiapo Church, na walang kinalaman sa politika o hindi political rally ang naturang relihiyosong aktibidad.

Paglilinaw pa niya, isang paraan ito ng simbahan upang higit na maipaabot sa Panginoon ang pagsusumamo upang mawakasan na ang COVID-19 pandemic na nagdudulot ng malawakang krisis sa buhay ng bawat isa.

Gayunpaman inihayag ng pari na kabilang sa panalangin ng simbahan ay ang kaliwanagan ng isip ng bawat opisyal ng bayan upang makapagdesisyon ng para sa ikabubuti ng sambayanan.

Hinimok din ng Simbahang Katolika  ang publiko na magdasal para sa bansa.

Ngayong hapon, lahat ng kaparian ng Archdiocese ay mag-aalay ng misa para sa “intention of forgiveness and healing of our land.” 

(PHOTO CREDIT: Archdiocese of Manila – Office of Communications)

(With story by Jonah Aure)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: