Panukalang “cha-cha,” muling binuhay sa Kamara

ANG matagal nang isinusulong na Charter Change o Cha-Cha na magtatakda ng mga pagbabago sa 1987 Constitution ay muling binuhay sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Sa ilalim ng Resolution of Both Houses No. 1 na inihain ni Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr. para sa 19th Congress, mungkahi nito na mabigyan ang presidente at bise presidente ng fixed term na limang taon at isang beses na reelection.

Sa ilalim ng 1987 Constitution, anim na taon lamang ang termino ng nakaupong pangulo at pangalawang pangulo. Ang pangulo ay hindi na pwedeng tumakbo para sa reelection samantalang ang bise presidente ay maaaring tumakbo muli.

Kasama sa panukala ni Gonzales ang “tandem voting” kung saan ang boto para sa kandidato sa pagka-pangulo ay awtomatikong boto na rin para sa kandidato sa pangalawang pangulo na kasama sa iisa o kaparehong partido politikal.

Samantala, isinusulong din ang 5-taong termino nang may isang beses na reelection para sa mga miyembro ng Kamara at mga lokal na opisyal, kumpara sa kasalukuyang tatlong-taong termino at dalawang reelection.

Paliwanag ni Gonzales, ang kanyang pagbuhay sa panukalang Cha-Cha ay bunsod na rin ng naging resulta ng Eleksyon 2022, kung saan nakuha nina President Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte ang mayorya ng mga boto.

Malinaw aniya na “green light” ito na maituturing mula sa mga Pilipino na ituloy ang pagtalakay at pag-arangkada ng Cha-Cha.

Pagkakataon din umano para sa bagong administrasyon sa pamamagitan ng Kongreso na mabusising muli at maamyendahan ang Saligang Batas.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.