BUKAS ang kampo ng pinaslang na broadcaster na si Percy Mabasa o kilala bilang “Percy Lapid” sa alok ni dating Bureau of Corrections (BuCor) Director Gen. Gerald Bantag na magsalita sa kanila para linawin ang nangyaring krimen noong Oktubre sa Las Pinas City.
Sa Balitaan sa Tinapayan, sinabi ng tagapagsalita ng pamilya Mabasa na si Atty. Toto Causing na bukas sila sa anumang posibilidad.
“Kami sa totoo lang, we want also to convince Bantag kung meron man sa likod niya–magsalita lamang siya baka makapag-offer kami ng maybe this time hindi na siya sasama sa kaso, ganun lang kasimple yan,” saad ni Causing.
Ayon sa abogado, sinabi rin ng kapatid ng broadcaster na si Roy Mabasa na may third party o malapit na kamag-anak sa Mountain Province na kung puwede umanong mapag-usapan ang isyu.
Pero aniya kung ano ang sasabihin ni Bantag ay hindi pa kongkreto kung ano aniya ang iaalok ng dating heneral na salita sa pamilya Mabasa ay wala pang nangyayari
Sinabi naman aniya ni Mabasa na titingnan nila kung ano ang posibilidad ngunit maaari aniyang pag-usapan ito sa isang lugar na walang sinuman ang nasa “advantage” o sasamantalahin dahil siya man ay aminadong takot kay Bantag.
“Kasi yung kanyang behavior, the way he talks, the way niya dini-dare yung government, makipagpatayan siya- makikipagpatayan ako sa gobyernong ito–that speaks volume for us,” pahayag pa ni Causing.
Sinasabing si Bantag ay may kinalaman sa pagpatay kay Lapid dahil siya ay minsang naging isyu sa programa ng dating broadcaster.

