PINAG-AARALAN nang ilunsad ng Manila City Jail (MCJ) ang “Oplan Greyhound” kasunod ng nangyaring gulo sa pagitan ng dalawang gang nitong Sabado sa naturang piitan.
Partikular na isasagawa ang paghaluglog sa male dormitory ng Commando Gang at Bahala na Gang kung saan isa-isang iinspeksyunin ang mga selda at gamit ng mga inmates sa loob ng bilangguan.
Sinabi ni Jail Officer 2 Elmer Jacobe, tagapagsalita ng MCJ, karamihan sa mga nasaktan sa kaguluhan ay mga miyembro ng Commando na kinailangang pang isugod sa ospital dahil sa tama ng mga bato sa ulo at kamay.
Ayon pa kay Jacobe, sa nakalipas na pitong taon na pagkakatalaga niya sa MCJ ay ngayon lamang nagkaroon muli ng kaguluhan sa nasabing piitan.
Nagsimula ang kaguluhan ala-1:57 ng hapon noong Sabado na sinasabing dahil sa hindi pagkakaunawaan sa basketball sa kanilang sportsfest.
Una nang nilinaw ni Bureau of Jail Management and Penology spokesperson Jail Chief Inspector Jayrex Joseph Bustinera na hindi riot ang nangyaring kaguluhan sa pagitan ng dalawang gang sa loob ng MCJ.