Plebisito sa BARMM, matagumpay at payapa — Comelec

NAGING matagumpay, payapa at maayos ang pagdaraos na plebisito para sa pagbuo ng walong munisipalidad mula sa 63 mga barangay sa North Cotabato sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) nitong Abril 13, ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Nagsimula ang botohan alas 7 ng umaga  at natapos alas 3 ng hapon kung saan karamihan sa mga kwalipikadong botante ay bumoto sa mga itinalagang elementary schools na matatagpuan sa 63 barangay, habang ang walong canvassing center kung saan ang mga boto ay binilang ganap na ika-6 ng gabi ay matatagpuan sa mother municipalities kung saan bubuoin ang mga bagong munisipalidad.

Sa 89,594 na registered voter ng mga kalahok na barangay, nasa kabuuang 58,970 mga botante ang bumoto, kung saan 38,047 botante ang bumoto ng “Yes”  upang pagtibayin ang pagbuo ng walong bagong munisipalidad at 103 botante ang bumoto ng “No” para sa overall voter turnout na 53.27 porsiyento.

Alinsunod sa Bangsamoro Autonomy Act Nos. 41 at 48, at kasunod ng pagpapatibay nito, ang walong mga munisipalidad sa BARMM na nabuo ay ang Pahamuddin na may 12 barangay; Kadayangan na may 7 barangay; Nabalawag na may 7 barangay; Old Kaabakan na may 7 barangay; Kapalawan na may 7 barangay; Malidegao na may 7 barangay; Tugunan na may 9 barangay; at Ligawasan na may 7 barangay.

Ayon sa Comelec, ang matagumpay, payapa at maayos na plebisito ay naisakatuparan sa tulong at kooperasyon ng mga katuwang na ahensya ng poll body, kasama ang Philippine National Police (PNP) at ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa buong suporta ng local government units ng mga concerned municipalities.

Nagpasalamat naman ang mga miyembro ng Commission en banc, sa pumumuno  ni Chairman George Erwin Garcia, kasama si Commissioner Aimee Ferolino (Commissioner in charge for Plebiscite), mga senior official at concerned field official ng Comelec, BARMM, sa mga miyembro ng media, mga civil society organization at iba pang mga election stakeholder.

Ayon pa sa Comelec, dapat ding purihin ang mga tao sa Bangsamoro lalo na ang mga residente sa walong bagong tatag na munisipalidad dahil sa kanilang paninindigan sa matagal na nilang inaasam na magkaroon ng sariling local government at mas madaliang pag-access sa mga mahahalagang serbisyo dahil bumoto sila na mapabilang sa BARMM sa 2019 Plebiscite.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.