Operasyon ng dalawang minahan ng dolomite sa Cebu, sinuspindi ng DENR

INIUTOS na ni Environment Secretary Roy Cimatu ang suspensyon ng operasyon ng dalawang minahan ng dolomite sa bayan ng Alcoy, Cebu.

Sa naturang bayan kumukuha ng dinurog na dolomite ang DENR para sa Manila Bay Sands project nito.

Ayon kay DENR Undersecretary Benny Antiporda, nag-inspeksyon si Cimatu sa mga minahan kasunod ng mga natanggap na reklamo patungkol sa mapanganib na epekto sa kalikasan ng operasyon nito.

“He immediately ordered the suspension of operation of Dolomite Mining Corp. and Philippine Mining Service Corp pending investigation on its operations’ environmental impact,” pahayag ni Antiporda.

Nauna na ring nagpalabas ng cease and desist order ang Cebu Provincial Government laban sa dalawang kumpanya dahil sa paghahatid ng dinurog na dolomite sa Maynila para sa proyekto ng DENR nang walang pampublikong konsultasyon. Sa kanyang Executive Order No. 25, ipinunto ni Cebu Governor Gwen Garcia na ang pagmimina ng dolomite sa bayan ng Alcoy ay nakapipinsala sa isla.

Kasunod ng inspeksyon, inatasan din ni Cimatu ang Environmental Management Bureau sa Region 7 na magsagawa ng water quality sampling malapit sa shiploading facility ng mga naturang kumpanya pati na ang ambient air quality.

Nais din ng kalihim na alamin ng Provincial Environment and Natural Resources Officer ng Cebu ang kondisyon ng mga coral reef na pinaniniwalaang nasira ang kanilang ecosystem dahil sa pagmimina.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.