Ikinababahala ng human rights group ang magaganap na pagkalat ng dugo sa kalsada dahil sa kaliwat kanang patayan sa ilang mga drug personalities sa pagbabalik ng “Oplan Tokhang” na pangungunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.
Muli kasing bubuhayin ng PDEA ang “Oplan Tokhang” nito sa mga barangay sa bansa na apektado pa rin ng ilegal na droga pagkatapos ng coronavirus disease o COVID-19.
Ayon kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, may mga lokal na pamahalaan pa silang isasailalim sa operasyon kontra ilega na droga.
“Mayroon pa kaming totokhangin na local government units na yet to implement and that will follow right after sa COVID,” pahayag ni Villanueva.
“Sa ngayon, mahirap makipagsabayan sa COVID. Right after ng COVID doon kami mag-start ng Tokhangan,” dagdag nito.
Inamin din ni Villanueva na may drug clearing operations ng local government units (LGUs) ang humina dahil natutok sa pagtugon sa COVID-19.
“Medyo bumagal ang barangay clearing operations natin dahil sa pandemic. Ang local government ay naging busy doon sa COVID so yung rehabilitation program medyo na-i-stymie (humina) but it will not stop us from clearing barangays,” pahayag pa ng opisyal.
Sinabi ng PDEA Chief na nakikipag-ugnayan na sila sa Philippine National Police (PNP) patungkol sa pagbabalik ng operasyon kontra ilegal na droga sa mga barangay.
“Napagusapan namin ni chief PNP (Gen. Camilo Cascolan) na talagang didiretso sa barangay. Bakit? Kasi ang droga kahit san galing, sa China man ‘yan galing man ‘yan sa Golden Triangle, galing man sa Africa, sigurado, sa barangay lalanding,” ani Villanueva.
Nuong Agosto 31, tinukoy ng PDEA na mula sa 42,045 barangay sa bansa ay nasa 20,165 ang nalinis sa ilegal na droga simula nang ilunsad ang madugong giyera nuong Hulyo 2016.
Muli namang nilinaw ni Villanueva na ang Tokhang ay ang pagbisita lamang sa bahay ng mga hinihinalang drug user upang hikayatin sila na sumailalim sa drug abuse prevention program.
“Para saan ang Tokhang? That house visitation is just letting the people in the house, kung nasaan ang bahay ng drug personality, na masabi, ‘Hey Pedro ikaw nasa listahan namin drug user, pumunta ka lang sa barangay at bibigyan ka ng intervention program.’ Yun lang naman purpose ng Tokhang. After that, wala ng Tokhang tapos na,” paliwanag nito.