INILUNSAD ang Nueva Vizcaya Tienda-Farm to Market partnership ngayong Huwebes ng umaga sa Kartilya ng Katipunan or Heroes Park sa lungsod ng Maynila.
Isa si Arnel Hernandez sa mga tumulong sa pag-organisa ng naturang Tienda, kung saan ipinaliwanag nito na ang mataas na presyo ng pulang sibuyas at ilan pang mga gulay ay epekto pa rin ng bagyong Paeng.
Ayon kay Hernandez, ang Nueva Vizcaya ang pangunahing pinagkukunan ng suplay ng sibuyas subalit nasalanta ito sa nagdaang mga bagyo kasama ang Paeng.
Dahil sa pagtaas ng demand at kulang na suplay ng sibuyas, nasa P250 na ang kilo ng bentahan nito kumpara sa P260 hanggang P280 bawat kilo sa palengke.
Samantala, maging ang ampalaya ay nasa P130 kada kilo at ang talong ay P110 bawat kilo ang benta nila na mas mura lamang ng P10 at P30 sa palengke.
Malaki naman ang kamurahan ng kamatis na P55 ang presyo direkta mula Nueva Vizcaya kung ikukumpara sa P80-P90 sa palengke.
Maging ang carrots ay nasa P85 at repolyo P90 lamang kada kilo kumpara sa P120 sa palengke.
Pangunahing dahilan aniya dito ay ang kawalan na ng middleman na nagpapamahal lalo sa bilihin.
Kasama si Manila Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo at iba pang opisyal ng Manila LGU sa paglulunsad sa nasabing pamilihan sa kooperasyon na rin ng lokal na pamahalaang panglalawigan ng Nueva Vizcaya.
(PHOTO CREDIT: Manila PIO)