LUMAGDA kamakailan ng isang Memorandum of Agreement (MOA) ang Commission on Elections (Comelec) at iba pang mga “stakeholder” para sa pagdaraos ng National Election Summit sa Enero 2023.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ang kauna-unahang summit na ito ay naglalayong mapagbuti ang pagdaraos ng halalan sa bansa.
Sinabi ni Garcia, nakipagkapit-bisig ang poll body sa lahat ng mga civil society organization, citizens group, mga partner sa industriya, at sa akademiya upang magkaroon ng isang malusog na demokrasya, maayos, at malinis na halalan sa ating bansa na aniya ay isang importanteng pundasyon.
Kinikilala rin aniya ng Comelec na ang pagkakaroon ng halalan sa bansa ay hindi lamang isang obligasyon ng Comelec kundi dapat obligasyon din ng bawat isa sa mga Pilipinong botante.
Ayon pa kay Garcia, makasaysayan ang paglagda ng kasunduan na ginanap sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila sa Intramuros, Maynila kasama ang napakaraming mga organisasyon dahil kauna-unahang beses itong mangyayari sa bansa.
Pamumunuan ang tatlong araw na National Election Summit 2023 ni Comelec commissioner Nelson Celis.
Magiging bukas din sa publiko ang naturang summit para maging transparent ang kabuuang proseso nito para sa lahat, dagdag pa ng dalawang opisyal ng Comelec.
“Ito ay tungkulin ng bawat isa sa atin. Ang mga ganitong inisyatibo ng Comelec ay pamamaraan para kami ay makapakinig, at the same time kayo’y makapagbigay ng inyong mga adhikain at saloobin,” saad ni Garcia.
Ayon pa kay Garcia, gagamitin ding basehan sa mga susunod na aksyon o hakbang ng Comelec ang anumang magiging rekomendasyon na mabubuo sa National Election Summit para sa pagdaraos ng halalan sa 2025, 2028 at sa mga susunod pang eleksyon.
Kasama sa mga lumagda ng MOA kahapon ang National Movement for Free Elections o NAMFREL, Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), Legal Network for Truthful Elections o LENTE, at iba’t-iba pang mga poll watchdog at civil society organization.
“The electoral process should not be limited to the voters coming to the polls. But more importantly, their participation should be engaged from the very beginning… from the formulation of platforms, selection of candidates to actual registration of the candidates, the campaign, the voting and finally the election and counting of votes. I believe that the biggest challenge of our democracy today is the meaningful participation of our people in every step of the electoral process and resist from the merely performing their role as spectators,” ayon naman kay PLM President Prof. Emmanuel Leyco kasabay ng pahayag na magiging bukas ang PLM sa mga susunod pang pagdaraos ng mga aktibidad ng Comelec kaugnay ng National Election Summit 2023.
Plano ng Comelec na idaos ang summit sa huling linggo ng Enero sa susunod na taon.

