NASA 101 mga deboto ang binigyan ng medical assistance ng Philippine Red Cross (PRC) medical personnel, volunteers, at first aid stations sa ginanap na Walk of Faith sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno 2023.
Ayon sa PRC, 21 deboto ang nagtamo ng minor injuries at nakatanggap ng first aid treatment habang ang isang deboto na nawalan ng malay ay dinala ng PRC ambulance sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center para sa karagdagang medical assessment.
Ang iba naman ay nakaranas ng chest pain, abdominal pain at iba pa.
“Patuloy ang pag-alalay ng ating mga volunteers, first aiders, at medical team sa mga deboto ng Nazareno. Bukas ang ating Emergency Medical Unit (EMU) na magsisilbing ospital para sa mga debotong may minor o major injuries at mangangailangan ng medical assistance,” sabi ni PRC Chairman at CEO Richard Gordon.
Ipinakalat ng PRC ang mga sumusunod na asset para pagsilbihan ang mga kalahok ng Black Nazarene Feast mula Enero 7 hanggang 9 tulad ng 15 ambulansya, isang fire truck, 17-foot patroller, 280 volunteers, 2 medical doctors, at 5 medical teams.
Apat na first aid stations ang nakaposisyon sa iba’t-ibang lugar tulad ng dalawa sa Quirino Grandstand, isa sa Kartilya ng Katipunan, at isa sa Minor Basilica of the Black Nazarene (MBBN).
Isang EMU na nilagyan ng 20 higaan, mga minor medical equipment, devices at supplies naman ang itinayo sa Kartilya ng Katipunan.

