Simula ngayong Lunes ay bawal na ang ‘walk-in’ sa mga vaccination sites sa Maynila.
Ayon sa abiso ng Manila Public Information Office (PIO), yaong mga makakatanggap lamang ng text message ang maaaring pumunta sa vaccination sites.
Pagdating naman doon, kailangan namang ipakita ang mismong text message mula sa Manila Covax.
Hindi rin pwede ang screenshot lamang ang ipapakita at kung na-delete ang mensahe ay maghintay na lang para sa susunod na iskedyul.
Nauna na ring inihayag ng Department of Health (DOH) na dapat may scheduling policy ang mga local government units upang hindi dagsain at magkumpolan ng mga tao ang mga vaccination sites.
Sa Maynila, ito ang kauna-unahang beses na may scheduling system o appointment system sa vaccination sa lungsod.
Ginawa ang scheduling system makaraang mapuna ang mahabang pila sa mga vaccination sites kung saan marami ang naabutan ng cut off at hindi nababakunahan sa kabila ng mahabang oras na ginugol sa pila.
Marami ang nagreklamo at nagtataka noon bakit walang appointment system ang Maynila gaya sa ibang lungsod.
Samantala, inaasahang darating sa Huwebes, June 24, ang 400,000 doses ng Sinovac vaccine na binili mismo ng Manila LGU.
Sa apat na mall sa Maynila mayroong tig 2,500 doses para sa mga nais magpabakuna. Mayroon ding 18 community sites sa iba’t-ibang paaralan naman na may tig-1,000 doses.
Inaasahan na 28,000 na mga taga Maynila ang mababakunahan ngayong araw at hindi na kailangang pumila ng napakaaga.
At dahil nga itinigil na ang “walk in” sa mga vaccination site, naging matumal ang pagbabakuna sa mga vaccination sites sa Maynila.
Ito ay dahil napaulat na nalalabag ang ipinaiiral na physical distancing sa ilang vaccination sites sa lungsod dahil sa pagdagsa ng mga taong nais na magpaturok ng COVID-19 vaccine.
Nitong Lunes, itinakda ang pagbabakuna para sa mga miyembro ng A2 at A4 priority groups sa apat na mall sites na kinabibilangan ng SM Manila, SM San Lazaro, Robinsons Place Ermita at Lucky China Town, na pinaglaanan ng tig- 2,500 doses.
Samantala, ang mga miyembro naman ng A1, A2, A3 at A5 priority groups ay maaaring tumanggap ng COVID-19 vaccines sa 18 community sites na pinaglaanan ng tig-1,000 doses ng bakuna.
Dahil nga sa naging matumal ang pagbabakuna sa lungsod dahil kakaunti ang dumating sa vaccination sites, partikular na sa mga malls, nabatid na hanggang alas-12:00 ng tanghali nitong Lunes, nasa 176 vaccines pa lamang ang naituturok sa Lucky Chinatown Mall, 219 naman sa Robinsons Place Manila, 289 sa SM City Manila at 340 naman sa SM San Lazaro.
(With additional report by Jonah Aure)
