Nasa 1,056 rehistradong mga mangingisda sa Navotas City ang nakatanggap ng cash at food subsidy mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Ang unang batch na benepisyaryo ng lungsod ay nag-uwi ng P3,000 cash voucher na makukuha nila sa MLhuillier at P2,000 halaga ng food items, kabilang ang 25-kilo ng bigas, dalawang frozen chicken at dalawang tray ng itlog.
“We are grateful to the Department of Agriculture and BFAR for extending help to our fisherfolk. Navotas is the first local government in Metro Manila to receive such assistance,” ani Mayor Toby Tiangco.
Nakapagtala ang Navotas ng 8,811 rehistradong mga mangingisda noong Agosto 2020. Sa bilang na ito, 7,291 ang kwalipikado para sa BFAR subsidy matapos na magsagawa ang ahensya ng crossmatching kasama ang iba pang mga programa sa tulong ng gobyerno.
Kabilang sa mga kwalipikadong benepisyaryo ang fishing crew, fish vendors and traders, fish porters, fish farmers, at iba pang fish workers.
Nag-alok din ang BFAR ng hanggang P25,000 loan na walang collateral at interest. Umabot sa 577 Navoteño fisherfolk ang nag-apply sa naturang programa.