SWAK sa kulungan ang isang tulak ng ilegal na droga matapos masakote sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa Navotas City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Navotas police chief Col. Rolando Balasabas ang naarestong suspek na si Russel Gamboa, 51, ng Brgy. 128 , Smokey Mountain, Tondo, Manila.
Ayon kay Col. Balasabas, dakong 7:10 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P. Lt. Genere Sanchez sa R-10. Sitio Niño, Brgy. NBBS Proper matapos ang isinagawang surveillance operation kontra sa suspek hinggil sa ilegal umano nitong aktibidad.
Nang tanggapin ng suspek ang P300 marked money mula sa isang undercover na operatiba na nagpanggap na buyer kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba.
Nakumpiska sa suspek ang aabot sa 4.4 gramo ng shabu na tinatayang nasa P29,920 ang halaga at buy-bust money.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.