NANAWAGAN ang opisyal ng Simbahang Katolika sa mga botante na huwag maniwala sa mga survey para sa pagpili ng susunod na lider ng bansa sa darating na halalan.
Sa kanyang homiliya kahapon, partikular na tinukoy ni Bishop Broderick Pabillo, chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippies (CBCP) Episcopal Commission on the Laity ang survey sa tinatawag na karapat-dapat na kandidato.
Sinabi pa nito na ang mga survey ay ginagamit lamang bilang propaganda ng mga pulitiko.
Sa halip aniya na maniwala sa survey , hiniling ni Pabillo sa mga mananampalataya na maimpluwensiyahan ng salita ng Diyos na maraming sasabihin tungkol sa pamumuno, maging sa politika.
“We need leaders who are moved by the dire situations of the people. We need leaders who have mercy and compassion and not promote Kill! Kill! Kill!, ” sabi ng bagong talagang vicar apostolic ng Taytay, Palawan.
Ayon pa kay Bishop Pabillo, ang pag-alay ng sarili para sa iba ay isang uri din ng pamumuno na kailangan ng bansa na kung saan ang sakripisyo ng sariling interes ang kailangan alang-alang sa mga tao.
Aniya, sana ito ang basehan ng ating pagpili ng lider at hindi sa survey at press releases lalo na hindi sa social media na sinakop ng mga trolls