Maynila, ipinasilip ang cold storage facility nito

Bilang paghahanda sa vaccination program ng gobyerno laban sa COVID-19, ipinakita ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang  kanilang cold storage facility  sa pagbisita ng COVID-19 vaccine CODE team sa  Sta. Ana Hospital.

Kasama ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Vice Mayor Honey Lacuna na bumisita sa pasilidad para sa bibilhing mga bakuna  ang mga myembro ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 at Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) team sa Lungsod ng Maynila.

Kasama rin ang  ilang tauhan ng Manila Health Department na siyang nanguna para ipakita sa mga miyembro ng COVID-19 Vaccine CODE Team ang bagong gawang cold storage facility na gagamiting pag-iimbakan ng mga bibilhing bakuna.

Kabilang din sa bumisita sa cold storage facility sina  Department of Interior and Local Government (DILG) Usec. Epimaco Densing III, Department of Health (DOH) Usec. Ma. Carolina Vidal-Taino, Food and Drug Administration (FDA) Dir. Gen. Eric Domingo, Anti-Red Tape Authority (ARTA) Dir. Gen. Jeremiah Belgica, Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, Deputy Chief Implementer ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 Sec. Vince Dizon at Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez ng National Task Force Against COVID-19.

Pinasalamatan naman ng national government ang mga opisyal at tauhan ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa kanilang suporta sa vaccination program at sa mga hakbang nila para mapigilan ang pagkalat ng virus.

Sinabi ni Galvez na sa kabila ng mga isyu sa bakuna, tuloy-tuloy pa rin ang ginagawang hakbang ng pamahalaan sa tulong ng local government units para paghandaan ang pagdating nito sa bansa.

Aniya,  malaking papel ang gagampanan ng mga LGUs sa pamamahagi ng bakuna kontra COVID-19 lalo na’t sila ang mas nakaka-alam ng sitwasyon ng kanilang nasasakupan.

Nabatid na ang lungsod ang ikalima nang binisita ng COVID-19 Vaccine CODE Team kung saan una na silang nagtungo sa Pasig, Taguig, Makati at Quezon City. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.