Matataas na kalibre ng baril, nakumpiska; big-time gunrunner, tiklo sa NPD

Share this information:

NASAMSAM ng mga operatiba ng District Special Operation Unit ng Northern Police District (DSOU-NPD) ang iba’t-ibang matataas na kalibre ng baril mula sa isang hinihinalang big-time gun runner na naaresto sa entrapment buy-bust operation sa Pasay City.

Sa kanyang report kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar at National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Vicente Danao Jr., kinilala ni NPD director Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr. ang suspek na si John Christian Bautista, 33 anyos, ng Barangay Bucandala IV, Imus, Cavite na sangkot sa gun-running activities sa Metro Manila, Region 4A at kalapit na mga probinsya ng halos tatlong taon gamit ang social media account sa kanyang transaksyon.

Ayon kay Hidalgo, nakatanggap ng tip ang DSOU mula sa isang concerned citizen hinggil sa isang chat group sa Facebook tungkol sa patuloy na transaksyon ng bentahan ng baril mula sa mga miyembro nito na sinasabing mahilig sa baril.

Matapos ang halos isang buwang monitoring, isang operatiba ng DSOU ang nagawang maka-penerrate sa social media chat group at nagpanggap bilang isang buyer.

Kaagad ikinasa ng mga tauhan ng DSOU sa pangunguna ni P/Lt. Col. Jay Dimaandal at P/Maj. Amor Cerillo ang entrapment buy-bust operation dakong alas-11 ng umaga sa kahabaan ng Macapagal Avenue, Pasay City na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek matapos bentahan ng anim na piraso ng iba’t-ibang uri ng hand guns na nasa P230,000 ang halaga ang isang police poseur-buyer.

Sa isinagawang course of investigation, nagawang makontak ng mga operatiba ng DSOU ang asawa ni Bautista na kalaunan ay ipinagtapat nito na may itinatagong iba’t-ibang mga baril ang kanyang mister sa kanilang bahay at handa niya itong ibigay sa mga awtoridad.

Agad pinuntahan nina Col. Dimaandal at kanyang mga tauhan ang bahay ng suspek sa Imus, Cavite at matapos ang proper coordination sa Imus police at barangay officials ay narekober nila ang iba’t-ibang uri ng matataas na kalibre ng mga baril, kahon-kahon na mga bala, vintage firearms at iba pang military equipment na tinatayang nasa P3 milyon ang halaga.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.