Lifestyle checks sa mga pampublikong opisyal, ipinatigil ng Ombudsman

INIHAYAG ni Ombudsman Samuel Martires na ipinatigil muna nito ang lifestyle checks sa mga opisyal ng gobyerno dahil hindi umano ito sapat upang patunayan na tiwali ang isang opisyal o kawani.

Sa budget hearing ng Kamara, sinabi ni Martires na simula nang maupo siya sa tungkulin ay hindi na niya ipinatutupad ang lifestyle checks dahil sa pagdududa sa probisyon ng batas.

Nais ni Martires na maamyendahan ang Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials dahil para sa kanya, malabo ang kahulugan ng simpleng pamumuhay na hinihingi ng batas at wala sa hulog ang lohika ng pagsasalang sa lifestyle check.

“Nuong umupo ako, pinatigil ko muna ang lifestyle check kasi matagal na ako may duda sa probisyon ng batas tungkol sa lifestyle check. Gusto ko i-propose sa Congress ng amendments sa 6713 kasi yung provisions there, malabo, walang hulog sa logic,”ani Martires.

Inihalimbawa nito na ang isang kawani o opisyal na kumikita ng P50,000 kada buwan at nakatira sa isang maliit na bahay ngunit nakabili ng luxury vehicle dahil sa maaaring layaw nya ito at pinag-ipunan. Nang magkaroon ng promo na zero interest na pautang, bumili ng kotse ang kawani at hinulugan hanggang matapos bayaran.

Kahit pa aniya matatawag na distorted priorities o distorted values ng kawani o opisyal na inuna na bumili ng mamamahaling kotse, hindi ito dapat mahusgahan o maging dahilan para mapagdudahan na kumita ito sa katiwalian.

“Anong pakialam natin? Bakit natin siya huhusgahan na bumili ng BMW kahit ang bahay niya walang paradahan? Anong pakialam natin sa buhay ng may buhay kung hindi naman siya nagnanakaw? We have to redefine what is living beyond your means. What is simple living to me may not be simple living to you or anyone,” dagdag pa nito.

Kasabay nito, dinipensahan din ni Martires ang paghihigpit sa pagsasapubliko o paglalabas ng kopya ng Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ng mga taga-gobyerno na aniya ay nagagamit lang ito para makapanira.

Kung tutuusin, sinabi ni Martires na hindi naman nila nagagamit na ebidensya sa prosekusyon ng kasong graft o plunder ang SALN.

“Sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, hindi namin kailangan ng SALN sa [pagpatunay ng] undue injury, undue advantage, even plunder. Saan ba gagamitin ang SALN? Ginagamit lang ang SALN para siraan ang opisyal ng pamahalaan,” pahayag pa ni Martires.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.