SA loob ng kulungan matutulog ang isang suspek na hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos itong makuhanan ng baril at mahigit P.3 milyon halaga ng shabu makaraang magwala sa Caloocan City.
Kinilala ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr. ang naarestong suspek bilang si Bengie Ortiquisa, 39 anyos, ng Phase 1, Package 3, Blk 60, Lot Excess, Brgy., 176, Bagong Silang.
Ayon kay Col. Mina, isang concerned citizen ang nagtungo sa tanggapan ng Caloocan Police Sub-Station 12 (SS 12) at inireport na may isang lalaki na nagwawala habang may bitbit umanong baril sa nasabing lugar.
Kaagad rumesponde ang mga tauhan ng SS-12 sa pangunguna ni PLt. Ronald Allan Soriano, kasama ang intel operatives sa pangunguna ni P/Major John David Chua dakong alas-6:30 ng umaga kung saan nakita nila ang suspek na nagwawala.
Gayunman, nang mapansin ng suspek ang presensya ng mga pulis ay agad itong naglabas ng baril saka tumakbo subalit hinabol siya ng mga arresting officer hanggang sa makorner at maaresto.
Nang kapkapan, narekober sa suspek ang isang cal. 38 revolver na kargado ng dalawang bala, cellphone pouch at isang knot tied transparent plastic sachet na naglalaman ng nasa 50 gramo ng hihinalang shabu na may standard drug price na P340,000.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Article 151 at 155 ng Revised Penal Code, RA 10591 at RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.