DEAD on the spot ang isang babaeng motorcycle rider sa naganap na road crash sa O. G. Road, Brgy. Sta Isabel, Dinalupihan, Bataan ganap na 10:20 ng umaga ngayong Biyernes.
Sa inisyal na impormasyong nakalap mula sa Philippine National Police (PNP), ang mga sangkot sa insidente ay isang Mio Sporty single motorcycle at isang 10-wheeler truck.
Ang biktima ay nakilalang si Love Joy Pasamonte, 44 anyos, at residente ng Mabatang, Abucay, Bataan.
Nabatid sa imbestigasyon na binabagtas ng biktima ang naturang kalsada patungo sa direksiyon ng Dinalupihan nang masagi umano ito ng isang nag overtake na Isuzu cargo truck (RCU 691) na minamaneho ni Jayson Pineda na taga Concepcion, Tarlac.
Dahil sa pangyayari ay sumemplang ang motorsiklo ng biktima at nagulungan umano ng back wheel ng truck ang ulo nito na naging sanhi ng agarang kamatayan.
Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang driver ng nabanggit na truck.