HINILING ng isang labor group na kanselahin ang Certificate of Candidacy ng ngayon ay nakakulong na si Pastor Apollo Quiboloy dahil sa material misrepresentation.
Sa isang pitong-pahinang petisyon na inihain sa Commission on Elections (Comelec) ni labor leader Sonny Matula at ng Workers’ and Peasants’ Party (WPP), sinabi nito na ang nominasyon ni Quiboloy bilang kandidato ng WPP ay “walang katotohanan at legal na batayan” at ang kanyang Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) ay “ginawa ng mga hindi awtorisadong tao.”
Iginiit din ng WPP na ang kontrobersyal na religious leader ay hindi miyembro ng partido o maituturing na guest candidate.
Ang petisyon laban sa kandidatura ni Quiboloy ay inihain matapos na pinirmahan umano ni Matula ang CONA nito, bagay na itinanggi naman ng labor leader.
Dagdag pa ng WPP, ang ginagawa ni Quiboloy ay “pinagsasamantalahan lamang ang prosesong elektoral bilang isang smokescreen para ilihis ang atensyon mula sa mabibigat na kasong kriminal na kanyang kinakaharap.”
Samantala, naghain din ng petisyon ang kampo ni Quiboloy kung saan ipinadedeklara si Matula bilang nuisance candidate.