SAMPUNG lugar sa Navotas City ang nasa ilalim ngayon ng granular lockdown bunsod ng pagtaas ng bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19.
Kabilang sa mga naka-lockdown ay ang:
- Navotas City Hall – Pebrero 23 – Marso 9, 2021
- Gov. Pascual Sipac Almacen – Pebrero 24 – Marso 10, 2021
- Sioson St., Bangkulasi – Pebrero 26 – Marso 12, 2021
- Interior H. Monroy St., Navotas West – Pebrero 26 – Marso 12, 2021
- Little Samar St., San Jose – Marso 1 – Marso 14, 2021
- Daisy St., NBBS Proper – Marso 2 – Marso 15, 2021
- Pat Cabrera St., San Roque – Marso 3 – Marso 16, 2021
- Blk 37 NBBS Dagat Dagatan – Marso 4 – Marso 17, 2021
- Estrella St., Navotas West – Marso 7 – Marso 20, 2021
- Gov. Pascual St., Sipac Almacen – Marso 7 – Marso 20, 2021
Ayon kay Navotas City Mayor Toby Tiangco, kailangang maisailalim sa RT-PCR test ng COVID-19 ang lahat ng mga residente sa nabanggit na lugar at hindi sila papayagang lumabas ng bahay habang naka-lockdown.
Papayagan namang pumasok sa trabaho ang mga essential worker at kinakailangan lamang na magprisinta ng valid company ID o certificate of employment at negative RT-PCR result.
Ipinagbabawal ang paglabas ng mga kabilang sa vulnerable sector tulad ng nakatatanda at mga edad 18-anyos pababa maliban na lang kung may medical emergency.
Nirarasyunan naman ng mga pagkain ang apektadong mga residente ng granular lockdown.
Isa sa mga dahilan na tinukoy ni Tiangco sa pagbilis ng pagkalat ng COVID-19 ay ang hindi pagusuot o hindi tamang pagsusuot ng face mask o face shield kaya’t muling ipinaalala ng alkalde ang kahalagahan ng pagsunod sa health standards.
Nuong Marso 8, umabot na sa 6,401 ang tinamaan ng COVID-19 sa lungsod, 508 ang active cases, 5,694 ang gumaling at 199 ang mga nasawi.