HINDI na nakalabas ng buhay makaraang may balikan pa umano mula sa nasusunog nilang bahay ang isang 69-anyos na ginang sa Barangay 719, Zone 78 sa Malate, Maynila kaninang madaling araw.
Natukoy ang biktimang si Lyndia Montero Bernal na natagpuan ng mga bumbero sa loob ng banyo ng kanilang natupok na tahanan.
Batay sa ulat ng Manila Fire Bureau, pasado alas-tres ng madaling araw nang magsimulang sumiklab ang apoy mula sa ground floor ng tatlong palapag na tahanan ng isang Danilo Arce, na matatagpuan sa Ocampo Street.
Naging mabilis rin ang pagkalat ng apoy dahil ang mga tahanan sa lugar ay pawang gawa lamang sa light materials kaya’t halos wala nang nailigtas na kagamitan ang mga residente na kaagad na nagsilikas.
Ayon sa anak ng ginang na si Lilibeth Bernal, una nilang tinulungang makalikas ng bahay ang kanilang ama, ngunit nagulat sila na hindi pala sumunod ang kanilang ina.
Ilang oras umano nila itong hinanap at labis ang kanilang pagdadalamhati nang matagpuan ang bangkay nito.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago tuluyang naideklarang fire out dakong 6:15 ng umaga.
Ayon sa mga awtoridad, aabot sa 80 tahanan ang tinupok ng apoy at 200 pamilya ang nawalan ng tahanan. Inaalam pa naman ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog na tumupok sa tinatayang may P500,000 halaga ng mga ari-arian. (with reports from Joyce Fernan)