Home collection ng COVID-19 specimen, pinahintulutan ng DOH

Pinahintulutan na ng Department of Health (DOH) ang mga pribadong laboratoryo na kumuha ng specimen mula sa mga suspected coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases sa kanilang mga tahanan.

Sa kabila nito, nilinaw ni Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire na may mga ilang kondisyon o requirements bago ito tuluyang payagang maisagawa.

Ayon kay Vergeire, ang home collection ng specimen ay dapat na isagawa ng isang lisensiyadong laboratoryo lamang, na magsisilbi aniyang extension lamang nito.

Kailangan rin muna aniyang impormahan ng mga pribadong laboratoryo ang DOH na mag-aalok sila ng ganitong serbisyo para sa monitoring purposes.

“Ito hong home collection ng specimen, it has to be coming from a licensed laboratory also, so parang extension nila ito, puwede silang mag-provide ng home service pero may mga condition po tayo o requirements,” ayon kay Vergeire, sa panayam sa telebisyon.

Paalala pa ni Vergeire, dapat na nakasuot ng personal protective equipment (PPE) ang mga personnel na kukuha ng specimen bilang bahagi ng ipinatutupad ng health and safety protection ng pamahalaan laban sa COVID-19.

Batay sa pinakahuling datos ng DOH, umaabot na sa halos 229,000 ang naitatalang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.

Sa naturang bilang, mahigit 65,000 pa ang aktibong kaso, halos 160,000 naman ang nakarekober at halos 3,700 naman ang binawian ng buhay.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.