Sinalakay ng mga awtoridad ang isang pagawaan ng mga pekeng mga dokumento gaya ng IATF ID, quarantine pass, travel aurhority pass, medical ceetificate, swab test at rapid test results mula sa Manila Health Department (MHD), na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang ginang na siya umanong nagpapatakbo nito, sa Sta. Cruz, Maynila araw ng Biyernes (September 4, 2020).
Kinilala ni PLLTCOL John Guiagui, station commander ng Manila Police District (MPD)- Sta. Cruz Police Station 3 (PS-3), ang suspek na si Marilyn Balagtas, 40, siya umanong namamahala sa naturang establisimyento na matagpuan sa panulukan ng Sulu at Remigio Streets, sa Sta. Cruz.
Batay sa ulat, pasado 5:00 ng madaling araw nang salakayin ng mga awtoridad ang lugar, kung saan nasamsam ang mga computer, printers, at iba’t ibang klaseng mga dokumento na iniimprenta ng suspek.
Ani Guiagui, natunton nila ang lugar matapos na masita ang isang lalaki na may bitbit na pekeng travel authority na mula umano sa kanilang istasyon.
Nang kumprontahin, dito na itinuro ng lalaki na di na pinangalanan kung saan siya nagpagawa ng pekeng dokumento na binayaran umano niya ng P300.
Nabatid na ang naturang pagawaan ng mga pekeng dokumento ay dinarayo pa ng mga nagpapagawa mula sa iba’t ibang lugar.
Depensa naman ni Balagtas, ipinapa-scan lang sa kanya ng mga customer ang mga dokumento at taga-imprenta lang siya.
Si Balagtas ay nakapiit na at sinampahan ng kasong falsification and use of falsified document sa Manila Prosecutors Office habang isinara naman ang puwesto nito at inaalam pa ng mga awtoridad kung may kasabwat ang suspek.
Samantala, pinaalalahanan naman ni Guiagui ang publiko na huwag tangkilikin ang mga ganitong serbisyo dahil magdadala ito ng panganib sa komunidad, gaya nang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).