INIUTOS ng First Division ng Commission on Elections (Comelec) na idiskwalipika si Cagayan Governor Manuel Mamba sa pagkakapanalo nito noong nagdaang halalan ng Mayo 9, 2022.
Sa isang 23-pahinang desisyon nito noong Miyerkules, Abril 24, sa hiwalay na complaint-petition na inihain ng abogadong si Victorio Casauay, idineklara ni Comelec First Division Presiding Commissioner Socorro Inting at Commissioner Aimee Ferolino at Ernesto Ferdinand Maceda Jr. na bakante ang puwesto para sa pagka-gobernador sa Cagayan.
Idineklara rin ng Comelec na ang law of succession ay agarang ipatupad at ang bise gobernador ay awtomatikong ang siyang idedeklarang nagwagi sa naturang halalan at siyan nararapat na manungkulan.
Wala pang komento si incumbent Cagayan Vice Governor Melvin Vargas Jr. sa pinakabagong utos na ito ng Comelec.
Hiniling din ng mga komisyoner sa departamento ng batas ng Comelec na simulan ang isang paunang imbestigasyon “para sa posibleng pagsasampa ng kaso ng paglabag sa halalan” laban kay Mamba dahil sa diumano’y paglabag sa mga batas sa halalan kaugnay sa sinasabing pagbili ng boto.
Sa kabila ng pinakahuling utos, sinabi ni Mamba na “isang mosyon para sa muling pagsasaalang-alang ay agad na ihahain sa Commission on Elections En Banc upang iapela ang utos ng disqualification.”
May limang araw pa, sabi nito, ang kanyang legal team para maghain sa Comelec na mosyon na ito.
Umapela si Mamba sa mga taga-Cagayan na maging mahinahon at sinabing siya ay “mananatili at magpapatuloy” sa kanyang tungkulin bilang gobernador ng lalawigan habang wala pang pinal na desisyon.
Sinabi pa ng gobernador na noong Disyembre 2022 ay nagkaroon din siya ng kaparehong sitwasyon nang maglabas ng disqualification order laban sa kanya ang Second Division ng Comelec.
Matatandaan na ang talunang kandidato sa pagka-gobernador na si Dra. Zara De Guzman-Lara ang naghain ng naunang kaso laban kay Mamba.
Sa pinakahuling kaso, sinabi ni Casauay na ang tagumpay na ito ay para sa lahat ng mga Cagayanon na ang isang karapat-dapat na pinuno ay sumasalamin sa kanilang mga pangarap at mithiin at gumagalang sa panuntunan ng batas.