IGINIIT ni Manila Mayor Honey Lacuna na kailangan magsuot ng face mask ang mga dadalo sa Pista ng Poong Itim na Nazareno lalo na sa mga mataong lugar sa buong aktibidad.
Bagamat opsyonal na ang pagsusuot ng face mask sa gitna ng COVID-19 pandemic, sinabi ni Lacuna na “mask is a must.”
Ayon sa alkalde , may ilalabas na panuntunan ang pamunuan ng Quiapo Church, lokal na pamahalaan ng Maynila LGU, Manila Police District (MPD) at iba pang stakeholders sa nasabing aktibidad at binigyang-diin niya na kung ito ay susundin ay hindi magiging magulo ang pagdiriwang.
Samanatala, humingi naman ng paumanhin si Lacuna sa mga deboto dahil hindi na magagawa ang regular o tradisyonal na Traslacion pero makakasiguro naman aniya na hindi mababawasan ang pananampalataya dahil mayroon namang magaganap na Walk of Faith batay na rin sa napagkasunduan ng Simbahan at ng lokal na pamahalaan.
Aniya, posibleng sa mga susunod na taon ay ito na ang makaugalian.
“Sinabi ko nga po tingnan po natin ngayong taon na ito kung papaano natin ipagdiriwang ang kapistahan ng Itim na Nazareno. Titingnan po natin kung ito po ay katanggap-tanggap lalong-lalo na sa ating mga deboto,” pahayag pa ni Lacuna sa press conference para sa #Nazareno2023.
Kaugnay nito, nakatakdang maglabas ng Executive Order si Lacuna hinggil sa liquor ban na ipapatupad mula Enero 7 hanggang Enero 9.