AMINADO ang Bureau of Immigration (BI) na nasa “critical period” ngayon ang sitwasyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa inaasahan na pagdagsa pa ng mga biyahero na pumapasok at lumalabas ng bansa dulot ng naganap na kanselasyon ng mga flights dahil sa isyung teknikal ng paliparan.
Pero giit ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na hindi mapuputol ang serbisyo nila at tiniyak na lahat ng kanilang immigration desk ay may tao na magseserbisyo ng 24 na oras.
“Inaasahan namin ang malaking bilang ng mga dumarating at umaalis na pasahero sa mga susunod pang araw. Dadagdag pa ito sa kasalukuyang mataas na bilang na ng mga biyahero dahil sa holidays,” ayon kay Tansingco.
Sa datos ng BI, nakapagproseso sila ng 12,304 na dumating na pasahero noong Enero 1 at 32,101 naman noong Disyembre 31. Nasa 19,010 na departures naman ang kanilang naproseso noong Enero 1 at 24,405 noong Disyembre 31.
Humingi naman agad ng paumanhin si BI Port Operations Division Chief Atty. Carlos Capulong sa inaasahang mahabang pila pareho sa Pilipinas at sa ibang bansa, ngunit tiniyak na ginagawa nila ang lahat para mapabilis ang pagproseso sa mga biyahero.
“We have all hands on deck during this critical period. Naglabas na kami ng instruksyon sa mga airport terminal heads na tiyak na lahat ng counter ay may nakabantay,” ayon kay Capulong.
Hinikayat rin niya ang mga Pilipino na gamitin ang electronic gates ng BI, na maaaring mabawasan ang processing time ng hanggang walong segundo kada pasahero.