Diarrhea outbreak sa Quezon, iniimbestigahan na ng DOH

Share this information:

NAGSASAGAWA na ng imbestigasyon ang Department of Health (DOH) kaugnay ng napaulat na nangyaring diarrhea outbreak sa isang barangay sa General Nakar, Quezon.

Sa ulat, apat na indibidwal na ang binawian ng buhay dahil sa severe dehydration dulot ng diarrhea.

Mula umano sa tribo ng Dumagat ang mga nasawi kung saan ang nakontaminang tubig na ininom ng mga ito ang tinitingnang sanhi ng kanilang pagkakasakit.

Sinasabing ang dahilan ng outbreak sa lugar ay parasite (amoebiasis at giardiasis) base sa tinest na dumi ng mga pasyente .

Nakapagtala na rin ang Regional Health Unit ng General Nakar ng 33 kaso ng diarrhea.

Nakarekober naman ang 23 indibidwal, dalawa ang kasalukuyan pa ring naka-confine sa ospital at walo ang nananatiling nagpapagaling sa bahay.

May dalawa pang kaso ng kamatayan, ngunit inaalam pa ng mga awtoridad kung diarrhea din ang sanhi ng mga ito.

Sinabi ng lokal na pamahalaan na kontrolado nito ang sitwasyon. Nagtayo na ito ng mga banyo na may mga palikuran sa lugar, ngunit hindi ito ginamit ng mga residente. 

Sa ngayon, nagsasagawa na ang Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU) ng DOH-Calabarzon ng mission and surveillance kaugnay ng sinasabing outbreak.

Pinayuhan ng DOH ang mga apektado ng outbreak na agad kumonsulta sa doktor kapag nakararanas ng mga sintomas.

Kung malayo naman sa ospital ay maaaring magpakulo ng tubig at saka lagyan ng asin at asukal o gumamit nang oresol bilang first aid.

Mahalaga rin umanong tingnan ang pinagkukunan ng inuming tubig at pagkain.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.