MANANATILING alkalde ng Lungsod ng Maynila si Mayor Honey Lacuna matapos ibasura ng Commission on Elections (Comelec) ang electoral protest case laban dito.
Sa desisyon ng Comelec Second Division na inilabas noong Oktubre 6, ibinasura ng poll body ang election protest ni Alexander Lopez laban kay Lacuna. Ayon sa Comelec Second Division, ang mga claim ng electoral fraud sa 2022 mayoralty race ng Manila ay “basely purely on suppositions and not on records” at “insufficient in form and content.”
“The alleged documented massive acts of vote buying… are also bare assertions uncorroborated by any other proof, whether testimonial or documentary,” bahagi ng desisyon.
Kinuwestiyon ni Lopez ang landslide victory ni Lacuna sa kabiserang lungsod, at sinabing ang bahagi ng 538,595 na boto na nakuha niya sa botohan noong Mayo 9 ay dahil sa “massive presence of electoral frauds, anomalies, at iregularities” sa 1,859 clustered precints.
Si Lopez ay nakakuha lamang ng 166,908 na bilang ng mga boto.
“The alleged total number of valid ballots cast for the position of Mayor in the city of Manila do not correspond with the total number of registered voters who actually voted during the May 9, 2022 elections in the said city,” sabi ng Comelec.
Idinagdag ng Comelec na kahit na ang lahat ng diumano’y 31,608 unaccounted na balota ay idagdag sa mga boto ni Lopez, parehong hindi maaaring masakop ang napakalaking vote margin sa pagitan nila ni Lacuna.
Malugod namang tinanggap ni Lacuna ang desisyon ng Comelec, at sinabing siya ay “nagpapasalamat” na ang Comelec ay “kinikilala, at pinasiyahan nang naaayon, na ang mga alegasyon ng pandaraya, iregularidad, at anomalya sa eleksiyon ay nananatiling ganoon lang: mga paratang na walang aktwal na patunay.”