Dharavi model vs. COVID-19 transmission, pinag-aaralang ipatupad sa MM

Kasalukuyan nang pinag-aaralan ng Department of Health (DOH) at ng mga eksperto ang posibleng pag-adopt o pagpapatupad sa Metro Manila ng “Dharavi Model” laban sa pagkalat pa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) at mga nagsulputang United Kingdom (UK) at South African variant sa bansa.

Nabatid na ang Dharavi model ay ipinangalan sa isang lugar sa Mumbai, India at sinasabing naging matagumpay laban sa pagkalat ng COVID-19 sa mga urban area at kinikilala rin ng World Health Organization (WHO).

Ayon kay Health Undersecretary at DOH spokesperson Maria Rosario Vergeire, ang “Dharavi Model” ay ipinatupad na dati sa ilang mga lugar noong Hulyo at Agosto, 2020, kung kailan nagkaroon ng surge ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ipinaliwanag ni Vergeire na sa ilalim ng Dharavi Model ay magkakaroon ng intensibong contact tracing, gayundin ng pag-quarantine at isolation, sa mga pasyente upang kaagad na mapigilan ang pagkalat ng virus.

Sinabi pa ni Vergeire na ang mga na-trace o natukoy na contact ay kailangang mai-quarantine na sa loob ng 24 oras para kaagad na maputol ang transmission ng virus.

Samantala, sinabi ni Vergeire na mayroon na silang “purposive sequencing” upang makita naman ang extent o lawak ng variant kung mayroon man sa iba pang lugar sa Metro Manila.

Sa ganitong paraan, sinabi ni Vergeire na makakapaglatag o makakagawa pa ng dagdag na mga hakbang ang pamahalaan at mga local government units (LGUs).

Nauna nang nagpulong ang DOH, ibang mga ahensya, LGUs sa Metro Manila at mga eksperto upang pag-usapan ang mga posibleng gawin sa nakikitang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19, at presensya ng UK at South African variant.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.