INIHAYAG ng Commission on Elections (Comelec) na suportado ng ahensiya ang panukalang palawigin ang deadline para sa akreditasyon ng mga sektoral na organisasyon na gustong lumahok sa kauna-unahang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliamentary elections sa susunod na taon.
Ito ay sa gitna ng panawagan ng ilang grupo para sa pagpapalawig ng June 7 deadline, ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia.
Sa ilalim ng Comelec Resolution No. 10987, ang registration at accreditation period para sa sectoral groups ay itinakda ng Mayo 15 hanggang Hunyo 7 lamang.
Upang makalahok sa halalan, dapat silang magsumite ng sertipikasyon mula sa naaangkop na ministeryo, mga panrehiyong tanggapan, o mga ahensya ng gobyerno ng Bangsamoro.
Sa hiwalay na pahayag na inilabas noong araw ding iyon, sinabi ng BARMM Grand Coalition (BGC) na sinusuportahan ng grupong Interactive and Sincere Advocates of Peace and Unity Settlers’ Organization (ISAPUSO) ang panawagan nito na palawigin ang deadline para bigyan ng mas mahabang panahon ang mga sektoral na organisasyon na sumunod ang mga ito pagdating sa pagtalima sa mga kinakailangan para sa akreditasyon.
Nauna na ring naglabas ng pahayag ang BGC na nagtutulak ng extension ng nasabing deadline.