Breaking News

Share this information:

TIMBOG sa mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaki na inakusahan ng pananakit at pananakot sa isang menor-de-edad na biktima gamit ang isang pribadong video.

Ito ay matapos magtungo ang biktima kasama ang kanyang magulang upang magreklamo sa NBI- Cybercrime Division (CCD) at maghain ng mga reklamong Grave Threats, Slight Physical Injuries, at paglabag sa RA 9262 (Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004) at RA 11930 (Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act), na parehong may kinalaman sa RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) laban sa suspek.

Ayon sa complainant, nagkaroon sila ng relasyon ng suspek at dahil sa pagseselos, sinasaktan di-umano ng suspek ang menor de edad, na nagsimula noong Abril 2024.

Dagdag pa ng nagrereklamo, binantaan siya ng suspek na ipo-post niya ang kanilang pribadong video sa social media. 

Noong Mayo 21, 2024, sinabi ng complainant sa CCD na binantaan siyang muli ng suspek na ipo-post niya ang kanilang pribadong video kung tatanggi ang una na makipagkita sa kanya.

Dahil dito, agad namang nagsagawa ng entrapment operation ang mga operatiba ng CCD na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Dinala ang suspek sa opisina ng NBI-CCD para sa wastong dokumentasyon, at iniharap para sa inquest proceedings sa Office of the City Prosecutor, Quezon City noong Mayo 22, 2024.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.