DEDBOL ang isang dalawang taong gulang na batang babae, gayundin ang isa pang lalaki nang mawalan ng preno ang sinasakyan nilang pampasaherong jeep at rumagasa ng iba pang mga sasakyan sa Nagcarlan, Laguna, Biyernes ng hapon.
Batay sa paunang impormasyon ng pulisya, natukoy ang mga nasawing biktima na sina Sandra Margarette Areval, at Fabian Henry Audije, 45 taong gulang, na kapwa mga residente ng Barangay Poblacion 2 ng nabanggit na bayan.
Nabatid na nawalan umano ng preno ang jeep na minamaneho ni Dario Baldivia, 50 anyos, habang bumabagtas sa pababang bahagi ng kalsada bandang alas-5:20 ng hapon.
Hindi na umano nakontrol ng drayber ang jeep na tuluyang bumangga sa isang traysikel, e-bike, SUV, trak, owner-type jeep at dalawang motorsiklo bago huminto.
Tinatayang 15 indibidwal din ang nasugatan sa nasabing aksidente.
Nakapiit na ang drayber na si Baldivia na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide at damage to properties.