Mahigit 800 lungsod at bayan, nakatanggap na ng mga lagda para sa People’s Initiative — Comelec

SINABI ng Commission on Elections (Comelec) na hindi bababa sa 884 na lungsod at munisipalidad ang nakatanggap na ng ilang pahina ng lagda para sa sinasabing “People’s Initiative” na naglalayong amyendahan ang 1987 Constitution.

Ayon kay Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, pirma pa lamang ang kanilang bibilangin dahil wala pa namang nakahain na petisyon.

Binanggit din ni Laudiangco na ang komisyon ay mahigpit na nakamonitor sa mga lagda upang masiguro na tugma ang mga pirma sa datos mula sa kanilang system.

Aniya, kanilang susuriin kung talagang rehistradong botante talaga at kung ang estado ng rehistrasyon ay deactivated o aktibo pa.

Bukod dito, sinabi ni Laudiangco na pinakaimportante ang pirma na dapat magtugma sa kanilang datos.

Sa gitna ng mga ulat na ang mga nagsusulong ng People’s Initiative para sa Charter change (Cha-cha) ay sinasabing naglalayon na maisagawa ang plebisito sa Hulyo, sinabi ni Laudiangco na hindi pa naglalabas ng tiyak na timeline ang Comelec.

Nauna nang idiniin ni Comelec chairperson George Garcia na ang komisyon ay hindi pa nakakakuha ng sapat na pirma mula sa mga bayan at lungsod para sa plebisito na mangyari sa loob ng anim na buwang timeline.

Sa oras na matugunan ang bilang ng mga kinakailangang lagda, ang mga tagapagtaguyod ng nasabing people’s initiative ay kailangang maghain ng kanilang petisyon sa Comelec, kung saan ito ay isasailalim sa karagdagang pagsusuri at verification ng mga lagda, bukod sa iba pa.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.