NAITALA ang magnitude 4.9 na lindol sa Tingloy, Batangas, at ang pagyanig ay naramdaman din sa ilang lugar sa Metro Manila, Sabado ng hapon.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), dakong alas-4:04 ng hapon nang lumindol na may lalim lang na dalawang kilometro.
Naramdaman ang Intensity IV sa Balayan, Bauan, City of Calaca, Calatagan, Lemery, Mabini, San Luis, San Pascual, Taal, at Tingloy sa Batangas.
Intensity III naman ang naitala sa Makati City, Agoncillo, Alitagtag, Batangas City, Cuenca, Laurel, Lian, San Jose, at Tuy sa Batangas; Alfonso, Mendez-Nuñez, at Tagaytay City sa Cavite; at Puerto Galera, Oriental Mindoro.
Samantala, naramdaman din ang Intensity II sa Quezon City; Lipa City, Malvar, Nasugbu, City of Sto. Tomas, Talisay, at City of Tanauan, sa Batangas; Silang, Cavite; Calapan City sa Oriental Mindoro habang Intensity I sa Maynila; at sa Abra De Ilog, Occidental Mindoro.
Sa kabila nito, sinabi ng Phivolcs na walang inaasahang pinsala o aftershock kasunod ng lindol.

