Dalawa arestado sa P136k shabu sa Valenzuela

DALAWANG hinihinalang drug personalities, kabilang ang isang Grab driver, ang nakuhanan ng mahigit P.1 milyon halaga ng shabu matapos masakote sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) chief PLt. Joel Madregalejo ang naarestong mga suspek na sina Vhal Ramos, 38 anyos, isang Grab driver, at Jogel Co, 36 anyos, driver ng 532 Fe St., Don Pedro, Brgy. Marulas.

Sa report ni SDEU investigator PCpl. Pamela Joy Catalla kay Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria Jr., dakong alas-10 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PLt. Madregalejo ng buy-bust operation sa bahay ni Ramos sa No. 15, Palo Alto St.,  Brgy. Marulas.

Kaagad inaresto ng mga operatiba ang mga suspek matapos bentahan ng isang plastic sachet ng shabu na nasa P3,000 ang halaga si PSSgt. Robbie Vasquez na umakto bilang poseur-buyer.

Nakumpiska sa mga suspek ang tinatayang nasa 20 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P136,000, buy-bust money na isang tunay na P500 bill at limang pirasong P500 boodle money, P300 cash, coin purse at 2 cellphone.

Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.