Umabot na sa P20.410 milyon ang naibigay ng Department of Agriculture (DA) na bayad-pinsala sa halos 890 na magbababoy sa mga lalawigan ng Quezon at Cavite na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF).
Katumbas ng halagang P5,000 kada baboy ang isinuko sa kagawaran at upang mabigyan ng pagkakataon ang mga magsasaka na makabangong muli matapos mapinsala ng ASF.
Ayon kay Regional Livestock Program Coordinator Dr. Jerome Cuasay, ang programang ito ay makakatulong upang mapalakas muli ang pag-aalaga ng baboy sa rehiyon.
Ani Dr. Cuasay, “Ang Kagawaran ay namamahagi rin ng iba’t ibang alternative livelihood programs para sa mga naapektuhan ng ASF gaya ng baka, kalabaw, kambing, broiler at free-range chicken, quail, at mushroom production modules.”
Mula noong ikalawang linggo ng Marso, nakatanggap na ng bayad-pinsala ang mga magbababoy na mula sa mga bayan ng San Francisco, General Luna, Macalelon, Pitogo, Mauban, at Pagbilao sa Quezon at mga munisipalidad ng Magallanes at Alfonso sa Cavite. Ang mga nasa ilang bayan naman sa CALABARZON ang susunod na makakatanggap.
Matatandaang noong nakaraang Marso 9, 2021, namahagi na ang kagawaran sa Calabarzon ng 60 sentinel pigs na nagkakahalaga ng P480,000 sa 12 magbababoy na naapektuhan ng ASF mula sa mga bayan ng Cuenca at Nasugbu sa lalawigan ng Batangas.
Sa pagtutulungan ng Regional Livestock Program ng kagawaran at ng International Training Center on Pig Husbandry (ITCPH), nakatanggap ng tig-limang hog starter feeds at tig-15 hog grower feeds ang pitong magbababoy sa Cuenca at limang magbababoy sa Nasugbu na naglalayong buhayin at palakasing muli ang industriya ng pagbababuyan sa rehiyon.
Ang sentinel pigs ay isa sa programang Bantay ASF sa Barangay (BABay ASF) ng DA na naglalayon na matukoy kung mayroon pang presensya ng virus sa mga kulungan. Kung magpapatuloy na negatibo sa mga pagsusuri ang mga alagang baboy, maaari na muling magparami ng baboy ang mga magbababoy.