Mga empleyado ng PAL, nakatanggap na ng separation pay

Nakatanggap na ng kanilang separation pay ang mahigit sa 1,400 na manggagawa ng Philippine Airlines (PAL) na natanggal sa trabaho.

Sa pahayag na inilabas ng Department of Labor and Employment – National Capital Region (DOLE-NCR), umabot sa P2.31 bilyon ang separation pay na naipamahagi sa 1,455 apektadong mangggagawa.

Ang nasabing mga manggagawa na apektado ay kabilang ang mga nag-voluntary at involuntary separation mula sa kumpanya at naka-empleyo hanggang March 12 bilang bahagi ng recovery plan ng PAL dahil na rin sa pandemya na labis na nakaapekto sa airline industry  sa buong mundoi.

Ang DOLE-NCR, sa pamamagitan ng Makati-Pasay Field Office (MPFO) nito ay nakatanggap noong isang buwan ng serye ng notice of termination mula sa  PAL para sa apektadong mga manggagawa at inanunsyo ng kumpanya noong February 2 ang company-wide workforce reduction program kung saan nasa 2,300 manggagawa ang maaapektuhan.

Gayunman, napagdesisyunan ng pamunuan na manatili ang 845 na manggagawa.

Sinabi naman nina Rhodora Buca at Edmond Paolo Garcia, mga opisyal ng PAL HR Department, na nagbigay ang kumpanya ng separation pay na katumbas ng isang buwan na suweldo para sa bawat taon ng serbisyo, kasama na ang outplacement assistance upang mapadali ang  paglipat.

Samantala, sinabi ni Garcia na mayroon silang mga empleyado na nagsasanay sa ilang mga Business Process Outsourcing (BPO) companies, gaya ng  Accenture at Sitel.

Iniulat din ng DOLE-NCR na pinabilis ang pag-aaral at pag-evaluate  sa mga naalis na manggagawa na kuwalipikado para tumanggap ng tulong pinansiyal sa pamamagitan ng COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) sa ilalim ng Bayanihan 2.

Ito ay programa na one-time P5,000 cash aid na ibinibigay ng gobyerno sa mga apektadong manggagawa sa pribadong establisimiyento o kumpanya.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.