PAG-AARALAN pa ng Commission on Elections (Comelec) ang hirit ng ilang mambabatas na palawigin ang voter registration hanggang sa 31 ng Oktubre ng 2021.
Ayon kay Comelec Chairman Sheriff Abas, titingnan pa ang proposal ng mga mambabatas pero aniya ay kanila pa itong pag-aaralan kung magiging posible.
Kung matutuloy ito, walang magaganap na voter registration sa unang dalawang linggo ng Oktubre upang bigyan daan ang filing ng Certificate of Candidacy (COC).
Pagkatapos ng filing ay maaaring ipagpatuloy ang registration.
Ang hirit na pagpagpapalawig ng voter registration ay dahil na rin sa pagsuspindi ng ilang beses dahil na rin sa umiiral na quarantine classification sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa kung saan inaasahang marami pa ang gustong magparehistro ngunit ang deadline ay hanggang September 30 na lamang.
Samantala, magsisimula na uli sa September 6 ang voter registration matapos itong aprubahan ng Comelec makaraang matigil noong August 6 dahil sa ECQ.
Bagamat naibaba ang quarantine classification sa Metro Manila at iba pang lugar ay nananatiling suspendido ngunit marami ang humirit na magbukas ang voter registration ngayong MECQ kaya ito ay inaprubahan ng Comelec en banc.
Mula alas 8 ng umaga hanggang 5 ng hapon ang voter registration kasama ang araw ng Sabado at holidays.

