IBINASURA ng Commission on Elections (Comelec) 2nd Division ang kahilingan ng mga petitioner hinggil sa unang petition for cancellation laban kay presidential aspirant at dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Sa inilabas na order ng Comelec 2nd Division, hindi pinagbigyan ng poll body ang hiling ng mga petitioner na utusan ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na ilabas ang Tax Compliance Verification Records at iba pang dokumento kaugnay ng umano’y hindi nabayarang buwis ni Marcos.
Kasama sa mga hiling ng mga petitioner ay ang makuha ang Certified True Copy ng desisyon ng Quezon City RTC Branch 105 at ng Court of Appeals upang maging proof of payment ni Marcos.
Ibinasura rin ng Comelec 2nd Division ang kahilingan na magsagawa ng face-to-face na pagdinig sa kaso.
Samantala, binigyan naman ng limang araw ng Comelec 2nd Division ang mga partido upang magsumite ng kanilang memorandum na paglalagyan ng mga “written arguments” ng mga petitioner at ng kampo ni Marcos.
Pagkatapos nito, idedeklara nang “submitted for resolution” na ang kaso.

