Comelec, handang makipagtulungan sa DepEd

Ipinahayag ng Commission on Elections (Comelec) na bukas ito sa isang dayalogo sa Department of Education (DepEd) kaugnay sa hirit na dagdag-bayad at benepisyo para sa mga guro na magsisilbi sa Eleksyon 2022.

Sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez sa isang pahayag na kinikilala ng poll body ang hindi matatawarang papel ng mga guro para matiyak ang tagumpay ng mga halalan.

Ayon sa opisyal, handang makipagtulungan ang Comelec sa DepEd upang makahanap ng anumang nararapat na paraan para matupad ang mga apela ng mga guro.

Batay sa liham ni DepEd Sec. Leoner Briones kay Comelec chairman Sheriff Abas, ang sitwasyon ngayong may COVID-19 pandemic ang nagtulak sa kanilang hilingin na dagdagan pa ang bayad at benepisyo sa mga teaching and non-teaching personnel.

Sa proposal ng DepEd, inirekomenda ang siyam na libong pisong honoraria para sa chairperson ng electoral boards habang walong libong piso naman sa mga miyembro ng board.

Pitong libong piso naman para sa DepEd supervisor official at limang libong piso naman para sa support staff. Inirekomenda rin ng DepEd ang limang daang pisong kada araw na hazard pay.

Humihirit din ang DepEd ng isang libong pisong allowance para sa pagkain at tubig at dalawang libong piso para sa transportasyon.

Umaapela  rin ang DepEd ng onsite swab testing at iba pang health services  sakali ring may pandemya pa sa panahon ng halalan. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.