Sa oras na magkaroon ng mas maraming suplay ng bakuna kontra COVID-19 ay posible na umanong magawa ang “simultaneous vaccination” para sa mga indibidwal na kasama sa A4 category.
Ayon ito kay Department of Health (DOH) Usec. Maria Rosario Vergeire sa media forum ng DOH matapos na aprubahan ng Inter Agency Task Force o IATF ang updated na priority group A4 para sa vaccination program ng pamahalaan.
Ayon pa kay Vergeire, inaasahang maglalabas ng guidelines kung saan nakasaad kung papaano gagawin ang pagbabakuna para sa A4 group at kung kailan ito mangyayari.
Sakali aniyang maging regular na ang pagdating ng mga bakuna ay kaya nang pagsabay-sabayin ang pagbabakuna para sa mga kabilang sa A4 category.
Paliwanag ng opisyal, ang desisyon ukol sa A4 vaccine priority list kung saan kasama na ang mga miyembro ng media, personnel sa basic education, mga manggagawa sa gobyerno at economic frontliners ay ibinatay sa kanilang pagiging “essential” at nga kontribusyon sa bansa sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Sinabi ng opisyal na nagta-trabaho pa rin ang mga manggagawa na frontliners din kahit na anong quarantine status sa pandemya kaya itinuturing din silang “essential.”

