Cebu City Rep. Raul del Mar, pumanaw na sa edad na 79

NAMAYAPA na sa edad na 79 si Cebu City 1st District Rep. Raul del Mar.

Ito ang kinumpirma ni House Secretary General Atty. Jocelia Bighani Sipin bagamat hindi muna ipinabatid ang dahilan ng pagpanaw ni del Mar.

Batay naman sa iba pang nakalap na impormasyon, pumanaw habang nasa isang ospital sa Metro Manila ang kongresista kagabi.

Bago naospital ay dumadalo pa sa virtual sessions at hearings ng Kapulungan ang kongresista at naging aktibo nuong panahon na nagkakagulo ang mga mambabatas sa isyu ng Speakership.

Si del Mar ay nakatakda sanang italagang Deputy Speaker sa pagbabalik ng sesyon ngunit na-ospital na ito. Nasa ikatlong termino na ang kongresista ngayong 18th Congress.

Nakikiramay naman si Speaker Lord Allan Velasco at ang buong Kapulungan sa pagkawala ng isa pang miyembro nito sa gitna ng nararanasan ngayong COVID-19 pandemic.

Batay sa tala ng Kamara, limang kongresista ng 18th Congress na ang namayapa bago pa man ang pandemya.

Kabilang sa kanila sina LPGMA partylist Rep. Rodolfo Albano, Camarines Sur 1st District Rep. Marissa Andaya, Senior Citizens partylist Rep. Francisco Datol Jr., Benguet Rep. Nestor Fongwan, at Sorsogon 2nd District Ma. Bernardita Ramos.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.