Cayetano at Velasco, haharap kay PRRD kaugnay ng gusot sa Speakership

Share this information:

MAGPUPULONG sina House Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa Malakanyang kasama si Pangulong Rodrigo Duterte bukas ng gabi.

Kinumpirma ito ni Deputy Speaker Dan Fernandez na ang partikular umanong pag-uusapan ay ang term sharing ng dalawang kongresista na napagkasunduan nuon.

Sinasabing nasa 202 kongresista na ang lumagda sa manifesto of recommitment para mapanatili sa posisyon si Cayetano na sinasabing magtatapos ang termino sa Setyembre 30.

Kasama sa mga lumagda ang 26 na top House leaders na mga opisyal din sa kanilang mga partido.

Samantala, sa isang social media post ay ibinahagi ni Velasco ang mga larawan kung kelan nagkapirmahan siya, si Speaker Cayetano kasama si Majority Leader Martin Romualdez sa isang notebook patungkol sa kanilang term sharing.

Sinabi ni Velasco na nabuo ang kasunduan nang may pagtitiwala at dignidad na ito ay masusunod lalo na’t kaharap si Pangulong Rodrigo Duterte nang pag-usapan ang 15-21 term sharing na ang unang termino ay matatapos na sa Setyembre 30.

Sa ilalim ng 15-21 term sharing, unang mauupo bilang Speaker sa unang 15 buwan ng 18th Congress ay si Cayetano at si Velasco na ang uupo sa susunod na 21 buwan.

Naninindigan si Velasco na dapat pa ring masunod ang term sharing agreement upang hindi mawala ang tiwala ng taumbayan.

Wala namang nakikitang paggalaw sa ano mang posisyon mula sa Speaker hanggang sa mga pinuno ng komite sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa kabila ng papalapit na pagtatapos ng termino ni Cayetano kung masusunod ang term sharing agreement.

Ayon kay Deputy Speaker LRay Villafuerte, mas gusto munang pagtuunan ng mga kongresista ang pagpapatibay ng 2021 national budget na ihahabol nila bago sana mag-Oktubre 14.

Naniniwala rin si Villafuerte na natalo na sa speakership si Velasco dahil nabigo itong ipakita sa kanyang kapwa mga mambabatas ang kakayahan na mamuno.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.