Binigyan ni Manila Mayor Francisco Domagoso ng kapangyarihan ang mga barangay chairman ng lungsod na isailalim sa lockdown ang sarili nilang barangay kung patuloy ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa kanilang mga nasasakupan.
Sa kanyang live address, sinabi ng alkalde na mayroon ng “resurgence” o sudden spike ng mga kaso ng COVID-19 at kung magpapatuloy ito ay malalagay na sa kategoryang second wave.
Paglilinaw pa ng alkalde, mas mapapadali na makontrol ang pagkalat ng infection kung mismong mga barangay officials na ang magla-lockdown sa kanilang barangay kung sa tingin nila ay hindi na kontrolado ang sitwasyon at kinakailangan lang na impormahan ang lokal na pamahalaan hinggil dito.
Kahapon ay nakapagtala ng 616 na mga bagong kaso sa Maynila at umabot na sa 2,388 na ang mga aktibong kaso.
Dahil dito, kasama na rin sa lockdown simula Marso 22- 25 ang Brgy. 281. Nauna nang inanunsyo na 12 barangay, 1 kalye at building ang ila-lockdown sa darating na Lunes.
Ayon pa kay Domagoso, ang konsepto ng circuit breaker pa lamang ang ipinapatupad niya sa Maynila, kabilang na ang pagpapatupad ng 30 percent working capacity at granular lockdowns subalit maaari pa din niya isara ang buong lungsod kung kinakailangan.
“We can shut down the entire city, if the need arises,” ani Isko.
Samantala, nagdagdag pa ng 300 karagdagang mga kama bilang paghahanda sakaling mapuno na ang mga quarantine facilities na kamakailan ay naiulat na 91 percent occupied.
Umapela rin si Domagoso sa mga hotel owners kung maaring ipahiram ang kanilang pasilidad para magamit na quarantine facility.