DEAN ON arrival (DOA) sa ospital ang isang motorcycle rider matapos magkasalpukan ang dalawang motorsiklo sa Olongapo-Gapan Road, sakop ng Brgy. Pinulot, Dinalupihan, Bataan, Linggo ng gabi.
Ayon sa ulat mula kay Dinalupihan Police chief, Police Lt. Col. Emelito Dela Cruz, kinilala ang biktimang namatay na si Michael Villares, 32 anyos, taga Barangay Happy Valley, Dinalupihan, Bataan.

Sugatan naman ang nakabanggaang motorcycle rider ni Villares na si Jeffrey Amor, 29 anyos, taga Barangay San Pablo, Dinalupihan, Bataan.
Nabatid sa inisyal na imbestigasyon ng pulis na kapwa lulan ng kani-kanilang motorsiklo ang dalawang biktima nang aksidente umanong magkabanggaan (head-on collision) ang mga ito sa madilim umanong bahagi ng nabanggit na national road.
Isinugod ang mga biktima ng mga rumespondeng rescue teams at Metro Bataan Development Authority sa Dinalupihan District Hospital kung saan naideklarang DOA si Villares ng attending physician nito.

