Breaking News

Share this information:

PINAGNAKAWAN na, binaril pa sa harapan ng asawa’t anak ang isang 54-anyos na dating taxi driver ng dalawang di pa nakikilalang mga salarin sa loob mismo ng kanilang bahay sa Kawit, Cavite nitong Lunes ng hapon.

Idineklarang dead on arrival sa Kawit Kalayaan Hospital ang biktimang si Esmeraldo Cuson Mateo ng Toclong Road, Brgy Tabon 1, Kawit, Cavite dahil sa tama ng bala sa katawan.

Inilarawan ang mga suspek na may taas sa pagitan ng 5’2″ hanggang 5’5″, katamtaman ang pangangatawan at armado ng di pa nababatid na kalibre ng baril na tumakas matapos ang insidente.

Sa ulat ni Police Major Joel Palmares, Hepe ng Kawit Municpal Police Station, dakong alas-2:30 kamakalawa ng hapon nang naganap ang insidente sa bahay ng biktima kung saan kumatok pa muna umano ang mga suspek sa pintuan ng bahay ng biktima. Nang buksan nito ay puwersahang pumasok ang dalawang suspek, tinutukan ang biktima  habang katabi ang kanyang asawa at 3-anyos nilang anak.

Tinalian ang padre de pamilya  saka sinabihan na magbigay ng pera.

Nagbigay ng P50,000 cash ang misis ng biktima, pero tila alam na may itinatago pang pera at pinapalabas pa,” ayon kay Palmares.

Nang hindi na nagbigay, hinalughog  ng mga suspek ang kabahayan kung saan tinangay ang cellphone, isang laptop at di pa mabatid na halaga at bago umalis saka binaril ang biktima. .

Matapos ang insidente ay tumakas ang mga suspek sa direksiyon ng Centennial Highway sa Barangay Tabon.

Ayon kay Palmares, tila alam ng mga suspek na may itinatagong pera ang mag-asawa, na kapwa nagbebenta ng bahay at lupa matapos na tumigil ang biktima sa pagmamaneho ng kanyang taxi nitng pandemiya.

Nabatid pa na tatlong buwan pa lamang ang mag-asawa sa nabiling bahay sa lugar.

Hawak na rin ng pulisya ang Closed Circuit Television (CCTV) footage habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: