KULUNGAN ang kahahantungan ng apat na hinihinalang tulak ng ilegal na droga nang maaresto ang mga ito sa magkaka-hiwalay na mga anti-drug operation Biyernes ng madaling araw sa lungsod ng Maynila.
Sa ulat, dakong alas-3:10 ng madaling araw nang magkasa ang mga operatiba ng Drug Enforcement Unit ng Sampaloc Police Station 4 sa may D. Santiago Street sa Sampaloc, kung saan naiulat na talamak ang bentahan ng ilegal na droga.
Binitbit ng pulisya ang mga suspek na sina Francisco Tolentino, 43 anyos, isang tubero, at si Patty Peliño, alyas “Boss.”
Nakumpiska sa kanila ang tinatayang 30 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halagang P204,000 habang nabawi sa dalawang suspek ang P500 marked money na ginamit sa buy-bust operation na siya ring gagamitin bilang ebidensya sa korte.
Arestado rin dakong alas-5:20 noong Huwebes ng hapon sa may Sevilla Street sa Brgy. 283 Binondo, Maynila ang mga suspek na sina Rico Enriquez, 40 anyos, at si Jeric Belarmino, 28 anyos, kapwa mga miyembro ng Commando Gang at nakatalaga sa drug watchlist ng Meisic Police Station 11.
Nasabat naman sa mga suspek ang apat na plastic sachet na naglalaman ng anim na gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P40,800 at ang marked money na ginamit sa operasyon.
Nahaharap ngayon ang apat na mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Manila City Prosecutor’s Office.