SINABI ng OCTA Research Group na posibleng lumagpas sa mahigit 2,000 ang arawang kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) pagsapit ng Oktubre nang makapagtala ng mataas na 17.5 percent na positivity rate ang rehiyon.
Ang positivity rate ay ang antas ng mga nagpopositibo sa virus mula sa kabuuang bilang ng mga tao na sumailalim sa COVID-19 tests.
Sa pagsusuri ng datos ng Department of Health (DOH), mula 14.3 percent noong Setyembre 14, umakyat ito sa 17.5 percent nitong Setyembre 21. Mas mataas ang parehong numero sa 5-percent benchmark ng World Health Organization (WHO) para masabing hindi na kumakalat ang virus.
“The positivity rate has matched the previous peak on August 5. It is now likely that this current resurgence will see higher positivity rates over the next weeks,” ayon sa tweet ni OCTA fellow Dr. Guido David.
Dagdag pa ni David, tumaas rin ang “7-day average” ng Metro Manila sa 1,128 kaso kada araw araw na mas mataas ng 28 percent kumpara sa nakaraang linggo. Umakyat rin ang reproduction number sa rehiyon sa 1.26 nitong Setyembre 19 mula sa dating 1.19 noong Setyembre 12.