Pinalawig na bisa ng 2020 national budget, aprub na sa Kamara

SA botong 221 na mga kongresistang pabor at anim na tumutol, pinagtibay na ng House of Representatives sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill 6656 o ang panukalang nagpapalawig sa bisa ng 2020 national budget hanggang Disyembre 31 ng susunod na taon.

Nauna rito, sinertipikahan din ngayong araw ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang urgent measure ang mga panukalang batas na layong palawigin ang bisa ng 2020 General Appropriations Act at ang Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.

Dahil sertipikadong urgent measure, sa loob lamang ng isang araw inaprubahan ng Kamara ang House Bill 6656 sa 2nd at 3rd and final reading.

Sertipikado ring urgent ang House Bill 8063 na nagpapalawig ng bisa ng RA 11494 o ang Bayanihan 2 hanggang Marso 27, 2021.

Nilalayon ng sertipikasyon na matiyak na maipagpapatuloy ang implementasyon ng mga programa, proyekto at mga aktibidad ng mga ahensya ng gobyerno lalo na sa pagtugon sa pandemya at pagbawi ng ekonomiya ng bansa.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.